Linggo, Oktubre 28, 2012

DEFINE HIGHSCHOOL

DISCLAIMER: Ang pangalan at pangyayari ay pawang gawa-gawa ko lamang, ito ay ayon sa aking obserbasyon at opinyon lamang.



Kilala mo ba si Ana?  Ako medyo lang, alam ko yung pangalan niya, section tsaka itsura. Tipikal na dalaga si Ana, pero espesyal. Kung mukha at mukha din lang, may face value talaga si Ana, mayaman din ang pamilya, talented. Halos ayun na eh, ayun na talaga, pero may isang kabanata sa buhay ni Ana ang nasaksihan ko na talaga namang nakakagulat, nakakarimarim at nakakapanghinayang.

Second year siya nun, may boyfriend siyang mahilig magsilbi sa simbahan, gwapo din naman at matalino, pero ang hindi ko maintindihan, kung bakit ganun na lang ang impluwensya niya kay Ana. Sumabog  na lang na parang isang malaking bomba ang isyu ng pagkawala ng virginity ni Ana, gulo yun sa campus. Maraming mata ang saksi kung paano umiiyak si Ana tuwing sinisigawan siya ng bf niya, kung paano siya sumunod sunod na parang tuta. 

Sino ba naman ang magaakal na magiging ganun ang campus darling namin? Hindi pa dun natapos ang kalbaryo ni Ana, pinagpasa-pasahan siya ng kung sinu-sino, mula pangalan hanggang katawan hinusgahan ng maraming tao. Honor student pa naman siya noon, pero laking panghihinayang lang talaga namin na ganun lang ang kinahinatnan ni  Ana. 

Sabi ko na kasi sa batang yun, mag-ingat. Akala kasi pag hayskul puro saya, dapat may utak. Mas matimbang dapat ang utak kesa damdamin. Kinabukasan kesa sa kasalukuyan. Kawawang Ana. Paano pa makakabawi si Ana? Pangalan lang ang alam nila tungkol kay Ana, pero hinubog na siya at kinilala dahil lamang sa isang pahina ng buhay niya. Pahinang hindi na pwedeng baguhin, pero alam kong ginagamit ni Ana yun para hindi na makagawa pa ng pagkakamali kaparis nang  nauna. Naawa lang ako, sana naging mas maganda ang buhay hayskul ni Ana. 

Masasabi ko talagang ang buhay hayskul ang pinakamasaya, pero ito rin ang turning point ng buhay ng isang tao. Dito ang choices, masakit o masarap? tatawa o iiyak? mangangarap o lalagapak? hayskul? paano ba kita idedefine?

Miyerkules, Oktubre 17, 2012

HAYSKUL ALPHABET ni ERA TORRES DULLAS

     Maraming ideya sa aking isipan ang hindi ko maayos, magulo pero masaya. Common na ang alphabet na A-Z, pangangailangan para matutong sumulat at bumasa. Sa buhay, B-D lang, mula  birth to death, na pinapagitnaan ng choices. Eh nung hayskul ako, may istorya din ang alphabet ko, eto ha, share ko.
     Nagsimula ako sa Admiration, hinahangaan ko bawat kilos niya, yung tipong masama o mabuti, iniembrace ko, kasi siya yun. I am so Blessed na nakilala ko siya, nakaramdam ako ng Contentment, masaya na akong tanaw ko siya mula sa  malayo. Delightful ang feeling kapag mula pa lang sa umaga siya na ang nakikita ko, kahit recess time, uunahin ko pang tignan kung kumakain na ba siya, at alam niyo ba, buong hayskul life ko eh burger at iced tea ang kinakain niya. Energy ang hatid ng bawat tingin niya, kaya naman may expectation sa akin, eto n nga, hindi naman ako nabigo, naging Friends kami, we started to enjoy the company of each other. At last, Gratified talaga, reward yung naging kami.  Given na yung minamahal namin ang isa't isa, pero sobrang thankful ako kasi Honest sya, hindi man ako magtanong, hindi ko man hilingin, gingawa na niya agad, hindi dahil responsibilidad niya yun, kung hindi, mahal niya ako alam ko. Involvement, walang ikaw o ako, laging TAYO, Just the two of us ikanga. Hindi lang pera ang baon namin sa school, Knowledge din tumgkol sa isa't isa, lagi naming minimaintain yung newly couple stage, yung hindi kami magsasawa sa isa't isa. Lucid kami pareho, kahit gaano kahirap ang pinagdadaanan namin, kahit anong mood meron kami, palagi naming iniintindi ang bawat isa, walang sumusuko, matapos ang isang mahabang diskusyon, isang yakap lang, okay na, kalma na lahat. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon eh okay ang sitwasyon, minsan may mga bagay din kaming nagagawa na nakakasakit sa isa't isa, hindi man namin sadyain, andun na eh, nakakasakit pa rin. Pero kami ang Magnanimous na couple, hindi kami takot magpatawad, hindi nag-aalinlangan, alam namin  na sa kabila ng mga nangyari, merong chance para bumawi, gawing better ang lahat. Pero bakit  ganun? Not enough minsan. Yun na nga ang mahirap, minsan lang, minsan lang magkulang lalayo na ang loob, nagkakaroon ng doubt, uncertainty, nagagawang kalimutan lahat ng masaya at magandang ginawa ng isa, dahil lang sa MINSAN. Naguumpisa  ng magtanong ng "masaya ka pa ba?mahal mo pa ba ako?". Obsessed daw kami sa isa't isa, pero iniisip ko na lang, mali ba? Patience lang naman yan, yung mga araw nga na hanggang tanaw ko lang siya nahintay ko naman, eh  ngayon pang kami na? Quiet na lang ako minsan pag alam kong naaasar na siya, we both know when to speak and when to shut our mouth. Minsan kasi, kailangan din namin ng time para sa mga sarili namin, ang sarap isipin na mahal niya ako, mahal ko siya, pero dapat laging MAHAL KO ANG SARILI KO. Hindi ko sinasabing maging selfish, ang akin lang, nagsisimula lahat sa sarili. Respeto, yan ang bagay na hindi namin hinahayaang mawala, parehong pinapakinggan ang opinyon ng bawat isa, hindi na namin pinipilit pang ijustify ang point of view ng bawat isa, ang importante, yung tama, yung makakabuti, yung magpapasaya.  Kahit anong mangyari, Sentimental siya sa akin, Treasure na hindi ko ibabaon sa lupa, kung hindi mamahalin, aalagaan at pagyayamanin ko pa. Unselfish love yata talaga itong matatawag, sumusugal sa bagay na hindi mo alam kung anong kahihinatnan, pero ito lang ang sugal na hindi ko panghihinayangan, malaya kong papadaluyin ang luha ko para sa kanya. Valuable kasi talaga siya sa akin, siya ang nagsisilbing strength at Weakness ko. X, walang magiging x sa amin, siya ang present at future. Wag na kayong maghanap ng Z, hindi pa tapos ang love story.
     Yan ang aking hayskul alphabet. Maraming letra na punong-puno ng alaala. Siya ay bayabas, at ako si Juan Tamad, kay tagal ko siyang hinintay at sa wakas nahulog pa rin siya sa akin. Siya ang jeep ng buhay ko, PARA siya sa akin. Hinding hindi ako magsasawa sa kanya kagaya ng paborito kong mani, dahil PEANUTibok niya ang puso ko.
    Corny? pero nakarelate ka! Patuloy... Patuloy kami... 



Linggo, Oktubre 14, 2012

HS: SLUMBOOK

Usapang High School Slum Book! Panuorin mo!


http://youtu.be/lZAJZRFGQJo

-Von Villanueva

TATAK ELEMENTARYA! BONGGA!

Lahat naman tayo may iba't-ibang experiences during our elementary days at masasabi nating. "Ay! oonga no? Nung Elem. lang yan!" HAHAHA. Handog ko sa'yo itong isang interview ko with my orgmates. Tara, Panuorin mo! I'm pretty sure, makaka-relate ka ng bongga! :)

Click mo 'to! :)
Tatak Elementarya!



-Ana Jireh R. Bañares

Combo XP

Combo XP(experience)


http://filipino.cri.cn/mmsource/images/2012/01/12/
edd3eaa7970f484eae6353e3ba42e3a3.jpg
     Group Work...Pop-up quiz...magvandal...makipaggitgitan sa sobrang siksikan ng mga tao para lamang makapasok...pahingi ng 1/4...pahiram ng bolpen atbp.

     Naransan ninyo rin siguro ang mga ito pero ilan lamang iyan. Ikaw anong Student XP mo?

     Minsan bigla mo na lamang maiisip ang mga bagay na ito. Hindi mo alam ang gagawin kung maiinis ka sa mga bagay na iyon o hahalakhak dahil nasisiyahan sa mga pangyayaring punong-puno ng kahihiyan tulad ng madulas at mautal-utal sa pagsasalita sa harap ng klase, makagalitan ng guro dahil sa kaingayang taglay


http://2.bp.blogspot.com/-2eTXAERGyBE/Tg8HB3wN4HI/
AAAAAAAAGr0/mxuxZfYAVBQ/s1600/lampayatot-na-estudyante-pakakainin.JPG
     Kahit na kung tutuusin nati'y walang katuturan ang mga bagay na iyon maari pa rin namang magbigay ng leksiyon sa iyo. Mas mainam na baunin ang mga ito at wag kalimutan dahil sa mga karanasang ito ay nalalaman mo ang tunay na realidad.

     Ayon nga kay Mr. Lloyd Cadena, "Sa eskwelahan mabubuo ang buo mong pagkatao, dyan ka tatatag, hihina, madadapa, at babangon".

Mr. Lloyd Cadena

 
#KierDanielLiwanag

Sabado, Oktubre 13, 2012

FIELD TRIP


FIELD TRIP


Field trip – Enchanted Kingdom, Star City, Gardenia Factory House, Luneta Park at Pambansang Museo.

Naging trademark na ng Field Trip ang mga sikat na lugar na ito sa ating mga kapwa estudyante. Kapag sinabi na ni teacher na malapit nang mag-field trip, labis labis ang kaligayahan ng mga kabataan. Mabusising paghahanda ang ginagawa bago sumapit ang araw mismo ng Field Trip. Kahit isang araw lang yun pero kung makaempake naman sila ng gamit parang hindi na babalik sa bahay. Magdadala ng maraming pagkain, damit at mga gadget tulad ng camera at mp3 upang hindi mainip sa byahe. Kung minsan pa nga’y hindi na makatulog dahil sa sobrang excitement na nadarama sa papalapit na lakbay-aral nila.

Bakit ba may Field Trip? Ano ba ang naitutulong nito sa ating buhay sa elementary at sekondarya?

Nakapanayam ko si Ms. Ericka Jimenez, isang 3rd year Elementary Education student mula sa Kolehiyo ng Edukasyon ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas o PUP at atin siyang kinausap ukol sa usaping ito maging sa isyu ng pagpaplano ng Department of Education ukol sa pagbabawal ng field trip dahil umano sa mga sunod sunod na insidente ng aksidente na naganap sa nakalipas na buwan. (Kung nais mong mabasa ang artikulo tungkol dito, maaaring iclick ang link na ito: http://beta.abs-cbnnews.com/nation/regions/09/14/12/deped-mulls-banning-outdoor-field-trips)



Video ng panayam kay Ms. Ericka Jimenez


Ang field trip, lakbay-aral kung ating tawagin sa Filipino, ay isang pribilehiyo para sa ating mga mag-aaral. Nagbibigay pinto ito para sa atin upang lumawak ang ating kaalaman na ating natutunan mula sa apat na sulok ng ating klasrum. Nagbibigay oportunidad din ito sa atin na bigyang ligaya kahit konti lamang ang ating mga sarili mula sa tambak na mga assignments, exams, recitation at term papers na ipinapagawa sa atin ng ating mga Maam at Sir. Sabi nga ni Ericka sa ating mga estudyante, “nagkakaroon ng social interaction sa mga kaklase, different kinds of people, interesting yung learning dahil natutuwa sila.”


#SherwinSTinampay

"Asayment! Asayment! Suntukan!"


Ilang buwan na ang nakalipas nang kumalat ang larawang ito sa ilang social networking sites. Nakikita sa larawan ang isang headline sa diyaryo na may mga katagang "Homework Bawal na sa Weekends". Lumabas din ito sa mga balita sa telebisyon at diyaryo. Naging iba iba ang pagtanggap ng mga tao. Ang ilan ay natawa, at ang iba ay natuwa, at may mangilan-ngilan ding hindi nasiyahan sa panukalang ito.

Ilang buwan ang nakalipas, inilabas ang "DepEd Memorandum No. 392 orders teachers to avoid giving assignments to students on Friday, citing parents' complaints about the heavy weekend study load of their children." Ayon sa polisiyang ito, bawal magbigay ng assignment ang mga guro tuwing Sabado at Linggo upang magkaroon ng bonding at pahinga ang mga batang mag-aaral.

Dahil dito, naisipan kong kapanayamin ang aking kapatid na si Princess Mikhaela Franco Manikan, isang Grade 7 student, patungkol sa isyung ito. Tinanong ko siya kung ano ang opinyon niya patungkol dito, lalo na't inabutan niya noong Grade 6 pa siya ang panukalang ito.

"Syempre masaya!Dati nung elementary ako meron ng ganyan pero walang patawad ung mga teacher ko kasi hindi naman nila sinusunod yan. Nakakaasar ehh! Nagbibigay pa din ng projects at assignments. Sabi sabi pa sila family day daw tapos ganyan ganyan pero nagbibigay pa rin. Nakakainis!"

"Umaagree ako jan sa picture. Shinare ko pa nga yan dati sa FB. Dapat naman kasi wala naman talaga ehh. Limang araw na nga pasok ko sa isang linggo tapos magpapaassignment pa? Ano? Walang pahinga?"

Isa ang kapatid ko sa maraming nahihirapang mga mag-aaral na sumasangayon sa panukalang ito. Isa siya sa  mga natuwa pero nainis dahil hindi naman daw natutupad at nasusunod ng mga guro ang panukalang ito. Mababasa sa isang artikulong ito: http://www.sunstar.com.ph/cagayan-de-oro/local-news/no-assignment-policy-has-positive-negative-effects-deped-exec mula sa sunstar.com.ph, ang ilang positibo at negatibong reaksyon ng mga tao kaugnay ng isyung ito.

Maganda ang hangarin ng polisiya ng DepEd para sa mga mag-aaral. Nawa'y sundin ito ng lahat ng guro dahil para din ito sa ikabubuti ng mga batang pag-asa ng ating bayan.

Huwebes, Setyembre 20, 2012

Oh Cramming! Oh why?

Oh Cramming! Oh why?

Note: Ang article na ito ay maaring patama na rin sa akin.

Naranasan mo na bang magpuyat at uminom ng sangkatutak na kape at energy drink wag lamang dalawin ng antok , daig pa ang humaharibas na kabayo sa pagmamadali maihabol at matapos lamang ang mga requirements na dapat ipasa. Yung tipong one month ang "preparation" pero ngayon mo lang gagawin dahil bukas na deadline. Masasabi nating sakit na ito ng mg mag-aaral, ang makipaghabulan sa oras. Sa makatuwid ang magcram ng magcram.

Pero aaminin ko, gawain ko rin to "minsan nga lang". Minsan kasi nawawala na study habits ng isang tao ang "time management", hindi ko kasi alam kung paano hahatiin ang oras ko kahit na madalas akong magmulti-task. Parte na ito ng aking talasalitaan na pilit kong inaayos.

Talaga namang masasabing "nerve-wrecking" at mas "challenging" ang pagka-cram, bumibilis ang takbo ng pag-iisip mo at aktibong-aktibong nagtatrabaho ang mga neurons sa utak mo. Kung saan ito pala ay mabisa dahil nagagawa mo ang isang bagay ng mabilis sa loob ng maiksing panahon.

Pero ayon nga kay JM de Guzman "Cramming is Evil" kung saan may punto siya at tama nga naman talaga. Kelan nga ba tayo magsasawa sa gawaing ito, wag na nating lokohin ang mga sarili natin. Tamang pagpaplano at paglalaan din ng oras ang dapat.

Minsan hindi rin epektibo ang pagkacram, nakakagaan din sa pakiramdam kapag wala kang masyadong inaalala dahil nagawa mo na ang mga bagay na dapat mong gawin ng maaga at magkakaroon ka pa ng mahabang panahon para sa iba.

 
#KierDanielLiwanag

Culture Shock

Culture Shock


Magdarasal ng Morning Offering tuwing Lunes ng umaga.
Magdarasal ng nobena tuwing Miyerkules ng umaga.
Magdarasal ng rosaryo araw-araw.
Dadalo ng misa tuwing unang Biyernes ng buwan.
Dadalo ng anticipated mass sa itinakdang araw ng mga guro.
Dadalo ng misa tuwing Linggo bitbit ang kapirasong kard na kung tawagin ay “mass card”.

Ilan lamang yan sa mga gawain ng mga mag-aaral sa isang pang-Katolikong paaralan. Apat na taon ko itong ginawa na nakapagpabago sa aking buhay.

Nang ako ay maghayskul, ipinasok ako ng aking mga magulang sa isang pribadong pang-Katolikong paaralan sa San Pedro, Laguna. Sa unang araw pa lamang ng pananatili ko sa paaralang iyon, napuno na agad ang aking buhay ng tinatawag na “Culture Shock”.

Una, sinita ako ng aming adviser dahil sa pagsusuot ng itim na medyas. Ayon kasi sa handbook ng aming paaralan, tanging puting medyas lamang ang maaring suotin ng mga mag-aaral sa paaralang iyon.

Ikalawa, tinawag kong “Mam” ang isa sa mga guro ko. Sinita niya ako sa pagtawag ko ng ganoon sa kanya dahil “Miss” pala dapat ang tawag sa mga guro sa paaralang iyon.

At ikatlo, nagdarasal ang aming klase sa tuwing papasok at lalabas ang mga gurong nagtuturo sa amin. Ibig sabihin, kung mayroon kaming walong guro, labing anim na beses kaming magdarasal sa isang araw, bukod pa ang pagdarasal sa flag ceremony at uwian.

Ilan lamang yan maraming senyong gumulat at nakapagpabago sa akin nang pumasok ako ng hayskul. Ang iba ay madali kong natanggap, ang iba naman ay matagal pa bago ko natanggap.

Ayon sa Wikipedia, ang culture shock ay “the personal disorientation a person may feel when experiencing an unfamiliar way of life due to immigration or a visit to a new country, or to a move between social environments also a simple travel to another type of life.”

Maaaring maraming mga mag-aaral ang nakakaranas nito sa paglipat nila ng paaralan lalo na kung nagmula ka sa pampubliko at lumipat ka sa pampribado. Ibang tao ang iyong makakasalamuha. Ibang kultura at kilos ang kanilang ipapakita. Mahirap makisama ngunit kailangan mo makisalamuha sa kanila. Nakakagulat sa una pero habang tumatagal, natututunan mo na kung paano ba dapat. At sa mga ganoong pagkakataon mo mararanasan ang pagbabago at pagkakakilanlan mo sa sarili mo at pagpapabuti sa pagkatao mo.

Para sa akin, nagdulot ng magandang epekto ang pagpasok ko sa isang pampribadong pang-Katolikong paaralan kahit na may "Culture Shock" akong naranasan sa una. Lumakas ang paniniwala ko sa Diyos. Naging mas mabuti akong tao sa lipunan. Hindi ako nagsasabi ng masasamang salita.

Ngunit lahat ay nagbabago. Nakaranas ako muli ng "Culture Shock" nang ako ay pumasok sa kolehiyo. Maraming nagbago at ibang kwento naman iyon.


#RemoFrancoManikan

Miyerkules, Setyembre 19, 2012

Exam na naman! Bow!



Exam na naman! Bow!


Kapag darating ang araw ng exam
Animong lahat ay kinukulam
Pakiramdam abot ang suklam
Dahil sa takot na pakiramdam

Kopya dito, kopya doon
Tingin naman ng sagot mo dong!
Kinopya ko lahat
Ayun! Mali po

Abot abot ang pagsisisi
Ngayong nasa mas mataas na antas
Wala tuloy alam
Dahil umasa sa iba

Nawa’y mapagtanto ng iba
Ang nadama kong sisi ngayon
Para di na pamarisan
At umasa sa sarili na lamang


#VonVillanueva

Elementapos na po!



Elementapos na po!


                Matapos ang anim na taon sa elementary, marami ang nag-iisip kung ano ang kahihinatnan ng kanilang hayskul life. During this period of time, maraming kaba (mga seven) ang mga maghahayskul, problema nila ang pag-aadjust, paano sila makikisalamuha, ano ang fashion statement nila, at kung paano nila irere-invent ang sarili upang maging katanggap-tanggap sa mga papasukan nila.

                Paano nga ba dapat mag-adjust ang isang INCOMING HIGHSCHOOL STUDENT sa pagpasok niya sa mas malaking mundo? Tatlong bagay lang yan. Una, MAGING TAO. Pangalawa, MAGING TOTOO. At pangatlo ay MAGPAKATINO. Ang pagiging tao ay magiging tulay upangf magpakataotoo tayo, eh ano kung bading ka? Tao kang nagpapakatao at walang masama kung ipapakita mo ito, basta’t maging matino anuman ang pagkakataon.

                Ang mundo ng hayskul ay hindi basta-basta. Marami ang naghihintay na mga maaaring makapag-pabago sa ating pagkatao. At sa bawat pagkakataon ay susubukin ang ating pagtitimpi kaya ang payo naming sa mga INCOMING! Magpakatatag KAYO. Tutok lang sa aming blog dahil maramni pa kayong makukuhang tips. MULI. Tandaan! Ang 3M, MAGING TAO, MAGING TOTOO, at MAGPAKATINO.


#VonVillanueva

Linggo, Setyembre 16, 2012

ANG TERROR KONG TEACHER


ANG TERROR KONG TEACHER


“Paul! Lakad ka na naman ng lakad! Umupo ka sa pwesto mo!”
“Paul! Ang kalat mo! Damputin mo!”
“Class, kapag may narinig akong maingay papaluin ko nitong stick! Humanda kayo saken.”

Nakakarelate ka ba? May bigla ka bang natandaan sa nabasa mong dialogue? For sure meron!

Hinding-hindi mawawala sa buhay natin sa elementary ang mga katagang ito ng ating mga guro. ANG TERROR KONG TEACHER. Kadalasan, sila yung mga teacher natin na matangkad, mahaba ang buhok o kaya’y laging nakapusod ang buhok, may makakapal na make-up at higit sa lahat may suot na salamin. Isama mo pa ang lagi nilang pagsimangot. Nakakatakot di ba?! (Mala-Miss Minchin lang sa pelikulang Princess Sarah) Grabe na lang ang batang di matatakot sa ganung look ni teacher.

Nang mga panahong ako’y nasa elementary magpahanggang sa ako’y tumuntong sa high school di pumasok sa isip ko at di ko rin sinubukang alamin kung bakit nga ba karamihan sa mga teachers sa elementary kahit sa high school at isama mo pa ang sa kolehiyo ay mga TERROR?

Ayon sa aking isang guro ngayon sa kolehiyo, kaya may mga terror teachers dahil sa konsepto nang pagdidisiplina sa mga estudyante lalung-lalo na sa konsepto ng tamang pagsunod sa mga iniuutos ng nakatatanda at bilang pagrespeto na din sa mga ito.

Terror lang naman sila sa loob ng klase pero kapag nasa labas na ng classroom magugulat na lang kayo sa kanilang ibang karakter. Ibang-iba sa kung ano ang pagkakakilala mo sa kanila sa loob. Ang mataray, masungit at laging sumisigaw na katangian ni teacher ay siya namang kasalungat nito. Mabait, madaling lapitan at palatawa naman din sila kahit papaano. Pero paalala, HINDI LAHAT. Meron din talaga yung kung paano mo sila nakilala sa loob ng klase ganun din sila sa labas. Bitbit na talaga nila ang ganung katangian.

Ngunit, nakakabahala lang na marinig sa mga balita ang mga kwento nang pangmamaltrato ng ibang mga guro sa kanilang estudyante. Yung tipong ipapakain ng teacher sa kanyang estudyante ang kalat na papel. Papaluin ng ilang beses sa likuran kapag hindi sumunod sa ipinag-uutos at kung minsan pa nga’y pamamaso sa kanila. Napakabigat na kaso na ito. At kakalabanin na nito ang batas!

Responsibilidad ng ating mga guro ang tamang pagkatuto ng kanilang mga estudyante. Hindi naman masama ang maging terror. Parte na iyan ng kultura ng edukasyon dito sa ating bansa ngunit huwag naman sanang humantong sa puntong masasaktan na nila ang mga ito. Parang pag-arte lang yan sa teatro, kapag nasa entablado ka na, gawin mo ang tama mong karakter. Kapag wala ka na sa entablado, dapat inaalis mo na ang karakter na dinala mo.

#SherwinSTinampay

Linggo, Setyembre 2, 2012

BUHAY ELEMENTARYA! Sus-Kwela!


BUHAY ELEMENTARYA! Sus-Kwela!
by Ana Jireh R. Bañares

Matapos ang makulay at makulit na mundo ko nung kinder kasama ang mga chikiting na kagaya ko. Buhay elementarya naman ang sunod na hakbang na aking tatahakin.

Sa Penuel Christian School kung saan ako nag-aral nung kinder ay walang elementary, kaya kinailangan kong mag-transfer sa...MAS MURA. MAS MATIPID. MAS PRAKTIKAL. PAMPUBLIKO.
At syempre may KALIDAD pa din ang EDUKASYON. Kaya ayun, PARAÑAQUE ELEMENTARY SCHOOL CENTRAL ang bagsak ko.

Grade 1 ako nun, syempre dahil transferee section 2 lang ako. HAHA! Priority daw kasi ng school ang mga batang doon din sa kanila nag-kinder. Hello?! Utang na loob syempre. HAHA! Kaya no-choice! Choosy pa ba!? Ay. May choice pa pala, wag kang mag-aral kung ayaw mo nung section mo! :P

So, it's just simply acceptance. 

Mataba, mejo kunot ang noo, matanda na ng bahagya, masungit, malabo ang mata kaya nakasuot ng salamin, at may hawak ng patpat - yan ang kadalasang mukha ng  Elementary teacher.

Naalala ko nun, patahimik ng patahimik ung titser namin nung Grade 1 ako (Si ma'am Amor sa pagkakaalala ko) - pero wala pa ding tumatahimik. Kaya tinawag ako ni Ma'am. "Isulat mo nga yung mga madadaldal diyan!" Kaya sinulat ko. Doon ko unang nalaman yung salitang "NOISY" hanggang nung nag-GRADE 4 ako nagpatuloy ang ganyan. Basta't pag narindi na si Ma'am sa ingay namin dahil busy siya sa kung anuman (minsan may-katawagan, may ka-tsismisang kapwa teacher din o kaya'y may manong/manang na naglalako ng prutas or meryenda sa loob ng school) ABA! Tatawagin na ni ma'am ang kung sinoman sa klase o di kaya'y ang pet niya para maglista sa blackboard ng mga maiingay o NOISY.

Gara lang. Kasi nakakasawa na yung ganyang strategy. HAHA! Ginagawa na tuloy naming lokohan o di kaya'y personalan na ang paglilista. Halimbawa na lang. Galit ako sa'yo kahit hindi ka maingay, wag ka nang magtaka kasi ililista at ililista pa din kita. Pag-kaibigan naman kita, syempre kahit mag-ingay ka diyan - asahan mo nang di kita isusulat at dapat kapag ikaw din ang nautusang maglista, di mo din dapat ako isusulat. That's what friends are for no! Yung FRIENDS with BENEFITS pala, sa elementary palang nagsisimula na. HAHA! At pag wala naman, di tayo close at di din naman ako galit sa'yo - tamang pagmasid at pag senyas gamit ang hintuturo sabay lagay sa tapat ng bibig at sabing "SHHHH" ang sasabihin ko sa'yo. (Kita mo yun, buti may pag-warning pa!) HAHA! Ang fair no? Walang ka-bias bias talaga!? HAHA. Ganyan ang buhay!

At pagkatapos ni Ma'am magbusy-busyhan sa kung anuman, hihingin niya na ang listahan tapos panakot na "Lahat ng mga nakasulat dito may MINUS sa Quiz/Seatwork mamaya." Tapos ako na napag-utusang maglista, lagot na ko sa mga kaklase kong nalista ko. Uulanin na ko ng sisi at maiinis na sila sa akin. At ang masama pa baka sa susunod, gantihan na nila ko pag sila naman ang napag-utusan maglista ng NOISY. Ganyan ang buhay e. Sabi nga sa golden rule "Huwag mong gawin sa kapwa mo kung ayaw mong gawin di niya sa'yo." Eh, ginawa ko! Kaya yun! Expected ko ng gagawin na din nila sakin! HAHAHA.

Pero syempre, di gaya ng matatanda na mapa-pride, kapag bata, mamaya lang wala na yung inis at galit ng mga kaklase kong nailista ko. Bago kami mag-uwian, papansinin na nila ko! Galing diba?! Yey!

Kasi ang mga bata, di yan ma-pride! Mas pinapahalagahan nila yung pinagsamahan niyo kaysa sa Ego nila. Yun ang maganda eh! Anuman ang naging away, inis, sama ng loob, galit na nangyari sa buhay elementarya, huhupa agad at maayos na nang di pinapatagal. Simple lang no? Di kumplikado. May pag-unawa at pag-intindi ang bawat isa. Kaya nagiging masaya! Kaya ang sarap isipin na ang Buhay Elementarya, Sus-Kwela! HAHAHA.



#enebenene


TALENTO KO, PANALO!


TALENTO KO PANALO!

Nang ako’y tumuntong sa Grade 1, hindi ko inaasahan na sa section 1 ako mapupunta. Kapag sinabi kasing nasa section 1 ka, matatalino ang mga bata dyan. FL o “Fast Learners” ang tawag sa inyo. Hindi ko nga alam na ganun pala yun eh. Nalaman ko na lang Nang ako’y mag Grade 6.

Mahirap maging section 1. Ang taas ng tingin sa’yo ng mga tao lalung-lalo na ng iyong mga guro at syempre ng nanay at tatay mo. Kailangan magaling ka sa ganito. Kailangan magaling ka sa ganyan. Napaisip nga ako eh, “Saan ba ako magaling?” Hindi ko nga din alam eh. Wala naman akong talento. Ni hindi nga ako naglalaro ng chess, basketball, o kung ano pa mang aktibidad pang-isports. Ang alam ko lang maganda akong sumulat. Yan lang ang maipagmamalaki ko.

Hindi ko alam kung maniniwala kayo o hindi pero nung Grade 2 ako inuutusan ako ng aking guro na sumulat sa lesson plan niya. LESSON PLAN po yun ah? Yung ipinapasa ng mga teachers sa kanilang supervisor na naglalaman ng kanilang instructional materials at lessons na itinuturo sa kanilang mga estudyante. Pero hindi naman yung literal na ako na ang naglalagay nung nilalaman ng kanyang lesson plan. May pinagkokopyahan lang ako tapos ako na mismo ang nagsusulat nun sa kanyang lesson plan.

Doon ko simulang natuklasan ang aking angking-galing sa pagsusulat. Nabibigyan din ako ng aking guro ng kakaibang karanasan sa labas ng pagiging isang estudyante lamang.

Dumating ang mga pagkakataon na nagawa ko na ring sumali sa mga iba’t-ibang paligsahan sa pagsusulat. Ang isa sa mga paligsahan noon ay ang Dictation. Dyan ako suking-suki noon. Simula Grade 2 hanggang sa mag Grade 6 ako kahit na lumipat ako ng eskwelahan noong ako’y mag Grade 4. Bukambibig lagi ng aking teacher, “Sherwin, sumali ka sa ganito. Sherwin, sumali ka sa ganyan.” Hindi lang din dictation ang aking nasalihan, mapa-Quiz Bee aba hindi ko din pinalampas yan. Hindi nawala ang pagkakataon na isali ako ng aking guro sa mga paligsahan.

Masarap sa pakiramdam ang mapagkatiwalaan ka ng iyong guro maging ng iyong paaralan. Dito mo unti-unting natutuklasan ang mga bagay na hindi mo nalalaman noon na kaya mo palang gawin. Ang buhay-elementarya ay nagsisilbing tulay ng mga estudyante sa pagkatuklas sa kanilang kakaibang talent at angking-galing sa iba’t-ibang larangan ng sining.

Ikatuwa at ipagmalaki natin sa lahat ng Pilipino sa buong Pilipinas at maging sa buong mundo na ang TALENTO KO, PANALO!


#SherwinSTinampay

Sabado, Setyembre 1, 2012

Neytib Studs


http://www.escapeislands.com/2008/07/their-future-their-pride-aetas.html
Neytib Studs

Ibig kong maranasan ang makapagturo sa mga kapatid nating katutubo. Ibang saya kasi ang mararamdaman kapag ika’y nakapag-bahagi ng iyong mga nalalaman at natutunan lalo na sa mga tulad nila.
 

Hindi maitatangging salat pa rin ang mga pasilidad para sa mga grupong katutubo, na naninirahan malayo sa kabihasnan. Kailangan pa nilang maglakbay ng ilang kilometro makamit lamang ang panibagong karunungan. Bagama’t walang lapis, bolpen at papel na nagsisilbing kagamitan sa eskwela ay buo pa rin ang pag-asa para na rin sa pagpapabuti ng kanilang mga pamilya at mga komunidad.

http://www.escapeislands.com/2008/07/their-future-their-pride-aetas.html
Mabuti nga’y nabibigyan na ng importansya ang mga kagaya nila na mga indigenuous people o mga katutubo para masiguro ang pagbibigay ng quality education sa mga ito at mabigyan ng halaga upang kilalanin ang karapatan ng indigenous cultural communities at indigenous people para matulungan sa kanilang development. Kagaya ng paglunsad ng Department of Education ng isang angkop  na programa sa kultura na alternative learning system curriculum para sa mga katutubo sa pakikipagtulungan ng National Commission for Indigenous Peoples. Ang nasabing curriculum ay nakabase pa rin naman sa nakagawian sa normal paaralan ngunit ito'y may kaibahan sa nilalaman at pamamaraan ng pagtuturo.
 
 
http://www.escapeislands.com/2008/07/their-future-their-pride-aetas.html


Laking pasasalamat na rin na dahil sa pag-usbong ng teknolohiya ay malinaw na nakakaabot ang impormasyong ipinapadala mula sa dalawang magkalayong lugar sa kabila ng milya-milyang hadlang ng mga kabundukan at katubigan nakapalibot dito, at sa pamamagitan ng mga mobile teachers ay unti-unti na silang nabibigyan ng edukasyon at sa gayo'y natututo na rin sila upang magbasa, magsulat, at magbilang.

Bilang estudyante ay bukas ang aking kamalayan upang makiisa sa adbokasiya na naglalayong makatulong sa mga kapatid nating mga katutubong estudyante.

#KierDanielLiwanag

Biyernes, Agosto 31, 2012

"First honor, Remo Franco Manikan!"


BIZ: RECOGNITION DAY

"First honor, Remo Franco Manikan!"

BIZ: NAGSASALAYSAY SA SARILI HABANG MAGANDA ANG TINDIG AT NAKATINGIN SA SALAMIN.

Ako si Remo Franco Manikan isang consistent honor student noong elementarya at anak ni Mrs. Ubalda Franco Manikan na isang guro sa pampublikong paaralang aking pinapasukan.

<IPAGDIDIKIT ANG KAMAY NA PARANG NAGDADASAL>

Hindi ko naman intensyon na ipasikat kung sino ako. Kung ano man ang nakasulat sa taas, ayan ang buhay ko noong nasa elementarya pa ako.

<ILALAGAY ANG KAMAY SA LOOB NG BULSA AT IPAPALING SA KALIWA ANG ULO>

Oo, anak ako ng titser. Masaya. Malungkot. Sa madaling salita, may mga positibo at negatibong bagay ang nangyari sa akin noon.

<HAHARAP ULIT SA SALAMIN>

Bilang anak ng titser, sikat ka sa buong paaralan. Ikaw ang utusan ng mga titser mo dahil amiga nila ang mommy mo. Ikaw din ang madalas maging parte ng class officers dahil nga sa isang titser ang mommy mo.

<MAGBUBUNTONG HININGA AT NGINGITI>

Pero tulad nga ng sabi ko, hindi lahat positibo ang nangyari.

<ILALABAS ANG KAMAY AT IPAGPAPATONG ITO SABAY TITINGIN SA KANAN AT BABASAIN ANG LABI>

Ilan sa mga kaklase ko noon, tingin sa akin, ay mayabang at sipsip. Tingin din nila sa akin, kaya ako nagiging honor student, ay dahil sa titser ang mommy ko. Ganun din ang tingin ng ilan sa mga magulang ng kaklase ko.

<HAHARAP ULIT SA SALAMIN AT SAKA HAHAGIKGIK AT NGINGISI HABANG NAGSASALITA>

Bakit kaya ganon? Pag anak ka ng titser, ganun agad tingin sayo ng tao? Hindi lang ng mga kaklase mo o yung mga magulang ng kaklase mo, kundi ang buong lipunan, ganun ang tingin sa anak ng mga titser. Hindi ba pwedeng kaya palaging honor student, kaya palaging nahahalal bilang class officer, kaya palaging inuutusan, kasi may konkretong dahilan. Yun ay tunay na mapagkakatiwalaan, responsable, marunong, at may ibubuga ang mga anak ng titser.

<MAGSESERYOSO ANG MUKHA AT SAKA IBABALIK SA LOOB NG BULSA ANG NGA KAMAY>

Sana isang araw, mabago na ang tingin ng lipunan sa mga anak bg titser. Hindi naman ganon ang dapat isipin sa amin, lahat ng tao ay magaling, anak man ng titser o hindi.
<NGINGITI AT MAGBOBOW AT SAKA PAPALAKPAKAN ANG SARILI SA MAGALING NA PAGEENSAYO NG TALUMPATI>


#RemoFrancoManikan

Sabado, Agosto 25, 2012

Eh kasi Kinder!

Eh Kasi Kinder!
ni Kier Daniel Liwanag


Sadyang kay-rami ng mga kaganapan sa aking buhay mula ng ako’y magkinder. Sa dami at sa katagalan hindi ko na mabatid sa aking isipan ang mga pangyayaring iyon.

Bukas na bukas sa aking diwa yung panahon kung saan sabik na sabik ka sa unang pagpasok mo sa eskwelahan.

Manghang-mangha sa makukulay na mga silid-aralan na may makaagaw-pansin ng mga litrato ng letra ng alpabeto sa ibabaw na bahagi ng pisara na may nakaguhit pa na iba’t-ibang bagay na sumisimbulo sa bawat titik nito.
Bilang bata hindi pa rin mawala sa isip ang paglalaro, kaya iniisip na lang na para ka lamang naglalaro na yung tipong Sabado na e’ gusto pa ring pumasok. Hindi ako yung tipo ng batang mawalay lang saglit sa magulang ay iiyak na. Sa totoo nga ay nahihiya pa ako na makita ng mga kamag-aral ko na pinagmamasdan nila ako mula sa labas ng silid-aralan, sa kabila noo'y hatid-sundo pa ako ngunit sa unang lingo lamang ng pasukan.

Kinder pa lamang pala ay iba’t-ibang tao na ang makakasalamuha mo may batang magulo, may batang bibo, batang palakaibigan, batang iyakin , batang  palaaway at lahat-lahat na. At masasabi kong naranasan ko ring maging kagaya ng mga iyan.
At hindi rin mawawala ang mga kantang tumatak na sa isipan ng bawat musmos kagaya ng:
“Watermelon, watermelon, papaya, papaya…” saka yung "ako ay may lobo"… e’ yung "itsy bitsy spider" at kung anu-ano pa, na baka nga hindi ka pa kinder ay alam na alam mo na. Dito ka rin nag-umpisang mag-connect the dots, magsulat, gumuhit  at  bumasa.
Kung ating aalalahanin pa ang mga pangyayari, paniguradong may maiiwang ngiti sa ating mga labi at mapapaisip kung ano pa nga ba ang mga bagay na nagyari noon. Isa lamang ito sa mga pangyayari noong kinder pa lang ako. Madami pang iba ngunit ang nag-iisang bagay na ito lang ang nagpapaalala sakin kung paano maging kinder.












Kinder101

Kinder101
 ni Remo Franco Manikan
 
Nung bata ko, puro paglalaro at pagkain lang nasa isip ko, kaso dumating ung araw na kailangan ko ng pumasok sa eskwelahan, kailangan ko ng pumasok sa Kinder Level.

Hindi ko na maalala ang buong detalye ng naging buhay ko sa pagiging Kinder Student, pero may ilang piraso pa naman ng ala-ala ang nasa isip ko na hinding hindi ko malimutan.

Ang pinaka tumatak sa aking ala-ala ay yung pag kakaroon ko ng school service na traysikel kahit sobrang lapit lang ng eskwelahan namin mula sa bahay. Alam mo ung feeling na kaya mo namang lakarin yung daan mula sa bahay niyo papunta sa pinakamalapit na computer shop? Pero sumakay ka pa ng traysikel kasi binabayaran yun at service mo un.

Nung namulat ako sa reyalidad ng buhay, tinanong ko ang Mommy ko kung bakit ba ako may school service nung Kinder ako. “Delikado kasi pag nilakad mo.”, “May trabaho ako, hindi kita mahahatid.”, “Hindi naman natin mapapakiusapan si (pangalan ng kapitbahay) na ihatid ka doon.”, “May trabaho sila Ate (pangalan ng katulong) kaya hindi ka mahahatid.”. Ayan ang karaniwang sagot niya sa akin nung tanungin ko siya. Gusto ko sanang baguhin ang nakaraan dahil alam kong may mali. Kahit ang lapit may school service pa rin? Masyadong magastos. Dagdag sa polusyon sa Pilipinas. May pangambang baka maaksidente ako. At higit sa lahat, naiinggit ako non sa mga batang nakikita kong hinahatid ng mga mommy/mama/nanay/inay nila papasok sa school.

Ako lang ata yung bata doon na walang mommy na kasama pag pumapasok kaya siguro hindi ko naaalalang umiiyak ako dati pagpumapasok ako ng eskwelahan . Siguro alam ko na noon na walang magpapatahang mommy sa akin kaya hindi ako umiiyak. *Haka-haka ko lang naman, siguro umiiyak din ako nun hindi ko lang maalala*

Kaya sa mga susunod na henerasyon, sa mga susunod na magiging Kindergarten Student, sana nababasa niyo to, wag kayong pumayag na ibang tao ang maghahatid sa inyo sa eskwelahan. Iba ang pakiramdam kapag magulang mo ang naghahatid at nagsusundo sa’yo. Ang sarap sa feeling. Maliit na bonding moment niyo un na hindi mo dapat mamiss. 

Ako at ang Mommy ko. =)



KINDER, KINDER LITTLE STAR!

KINDER, KINDER LITTLE STAR!
 ni Sherwin S. Tinampay

Tandang-tanda ko pa ang unang pagkakataon na dinala ako ng aking Mama sa papasukan kong eskwelahan. Ponciano Bernardo Elementary School, isang pampublikong paaralan sa Cubao na malapit sa aming tirahan noon. Noong una, manghang-mangha ako sa mga nakikita ko. Syempre, simpleng paslit lang ako na wala pang matinong pag-iisip sa mga nangyayari sa mga bagay bagay ay mabilis na natutuwa sa mga ganoong pangyayari. Ang sabi pa sa akin noon ni Mama, “Weng (tawag saken ni Mama magpahanggang ngayon. Palayaw ikanga nila), papasok ka na sa school. Magkikinder ka na!” Tuwang-tuwa na ipinaalam sa akin ni Mama. Ako naman, hindi ko alam kung ano ang kinder. Dahil sa nakikita ko si Mama na malaki ang ngiti sa kanyang mga labi ay agad na tumugon sa kanyang sinabi.



Ano nga ba ang KINDER? Karamihan sa mga nanay/inay/mama/mommy/mamita ngayon pagsapit ng ika-apat o ika-limang taon ng kanilang mga anak ay ipinapasok na sa antas na ito. Sasabihin pa kay kumare, "Mars! Malapit na mag-June. Saan mo papapasukin ng kinder si Junjun?"

Ang KINDER ay ang pinaikling salita para sa Kindergarten. Ito ay isang salitang German na nangangahulugang “garden of children”, kumbaga, bakuran sa pagkatuto ng isang bata. Sa antas na ito, tinuturuan na ang mga bata na unti-unting sanayin ang kanilang mga sarili na wala sa piling ng kanilang magulang. Nagbibigay-daan din ito na makasalamuha nila ang mga iba’t-ibang bata upang makipagkaibigan at makipaglaro.

Tuwang-tuwa sa akin noon si Mama dahil nung unang araw ko sa eskwela ni hindi man lang daw ako umiyak nang paalisin na sila ni Maam Elsie (teacher ko). Halos lahat ng mga classmate ko nun nag-iiyakan. Pakiramdam ko nga nun parang babaha na sa classroom dahil sa walang humpay nilang iyakan.

Simula nang araw na iyon, nagpatuloy na ang aking pagpasok sa eskwela. Pagsulat, pagkulay, sabayang pagbabasa at ang pinakamasaya sa lahat ay ang pagkanta namin sa nakakaaliw na indayog ni Maam Elsie sa mga kanta tulad ng Ang Maliliit na Gagamba, Ang Jeep ni Mang Juan, B.U.T.T.E.R.F.L.Y. at marami pang ibang nakakaaliw na kantang pambata at iba't-ibang mga karanasan na isa sa mga naging instrumento na humubog sa aking pagkatao.

Ako kasama si Maam Elsie noong 
ako'y nagtapos sa Kindergarten

"Ang pagpapapasok sa kinder ng mga bata ay hindi ganoon kasimple sapagkat dito na pumapasok ang pagkakataon na masusulyapan na nila ang malawak na mundo sa labas ng kanilang tahanan." 

Biyernes, Agosto 24, 2012

ABAKADAlalala. ♥

ABAKADAlalala. ♥
ni Ana Jireh Bañares

Unang sabak sa eskwela, iba't-ibang bata ang  makakasama.
Si mama at papa, hinatid ka pa ng biskleta.
Ilang iskinita lang naman ang layo mula sa inyong bahay.
Kinakabahan na at mag-uumpisa na sa hakbang ng tagumpay.

Eksena sa paaralang ngayon pa lang masisilayan,
Magulang na tuliro, kasabay ng kanilang mga anak na naghihiyawan
Si titser na masayahin kasama ang kanyang aide na matulungin.
Pinapila na ang mga chikiting, sisimulan na ang dapat gawin.

ABAKADA ay ipinakilala
Nakakatuwa dahil masaya sila.
Sinabayan ni titser ng kanta' sayaw
At lahat ay sama-samang umindak at humataw

ABAKADAlalalalala.
Sinamahan ng kanta para maingganyo sila.
Sa magandang tono na inilapat,
Mga bata'y na aliw at walang makakatapat.

Sa ilang oras ay may kantahan, sayawan at paglalaro
Pag-aaral sa una'y, ginagawan ng pakulo.
Kaya't si titser masaya at di aburido, 
Dahil sa kanyang maganda stratehiya - chikiting ay natuto.


#enebenene™


ANG UNANG TAPAK


ANG UNANG TAPAK

ni Von Edrian Villanueva


Takot. Pangamba. "Inay di ko kaya!"
 Malamang ating winika, pabitin sa damdamin.


Unang tapak sa paaralan, wari'y di kagustuhan


Masaklap na katotohanang, malalayo sa magulang




Di alam kung san lilingon, kapag ang pandama'y di humihinahon


Hampas ng damdamin sa kalooban, hindi masabi ng harapan


Tingin sa kanan, sa kaliwa, hala di ko sila kilala

Si Ina na nakasilip sa bintana, sya lang ata ang nais kong makita



Unti-unting papatak ang tubig sa matang lungkot tgib


Kapag sinabi ng guro, "mga magulang kayo'y humayo



Unang patak ng ulan, sa pagsampa sa paaralan

Takot ang nadarama, daglian din namang liligaya








Buhay Elementarya Ng Wala Si Mama


 Buhay Elementarya Ng Wala Si Mama
ni Era Torres Dullas

       Pumapatak na naman ang luha, hindi naman alam kung saan nagmumula, marahil sagot ninyo'y sa mata na pinagkaloob ng Lumikha, pero para sa aking may kakayahang makadama, mula ito sa puso ng taong nakararanas ng lungkot o saya. Hindi ako makata, sadyang ganito lamang ang aking dila, hinasa sa paggamit ng balarila.

      Kung ako lang, ayoko na sanang balikan, pero may parte sa akin na gusto kong bisitahin ang nakaraan, ngunit ayokong dito'y manirahan. Nasa elementarya ako noon, nag-uumpisang iexplore ang buhay estudyante, buhay ng isang paslit, ang saya, ang daming bata sa paligid ko, madami akong baong pagkain suot ang malinis kong uniform, dagdag pa rito ang papuri ng mga tao sa akin, tuwing maisusulat ko ang pangalan ko, sa tuwing makakakuha ako ng "star". Sobrang wow yung feeling, sarap buhay, bahay iskul lang.

      Sa bahay...Miyerkules ng gabi, nanonood ako ng isang comedy show. Nagyaya ng matulog ang Mama at Papa ko, hindi ako nakinig, sagot ko "susunod na po". Hanggang narinig ko yung ate ko, sumisigaw, "si mama...si mama!!!!", hindi ko naman alintana yung eksenang yun, sa pa-aakalang wala lang yun hanggang nakita ko na lang ang mama ko, buhat buhat ng papa ko, nilagyan ng kutsara sa bibig ng ate ko. Hindi ko na alam ang nangyari eh, basta iniwan ako para isugod sa ospital si mama. Paggising ko, nasa bahay na ako ng lolo at lola ko, pinaliguan at binihisan ako saka pinakawalan sa akin ang mga salitang " ginawa naman namin ang lahat eh, pero wala na talaga", hindi ko naintindihan, uuwi na daw ako, sige, sakay lang ako.
Eto na...pagdating ko ng bahay, bakit nandun ung titser ko?yung nanay ng kaklase kong tinutusok ng payong ang paa ko? yung magjuejueteng? bakit sila umiiyak? bakit? Nakita ko na lang ang isang kabaong, doon mahimbing na natutulog ang mama ko. Kanya kanyang sigaw, halo halo at iba't ibang lebel ng kalungkutan yun. Ang bigat, hindi ko maintindihan ang nangyayari, hanggang naramdaman ko na lang, ang sakit ng dibdib ko, nalulungkot ako, yumakap ako sa Papa ko, dun ko nalaman na kailangan ko pla sila, akala ko kasi role ko lang mag-aral. Sa edad na pitong taong gulang, namulat ako sa buhay na wala ang mama ko. Hindi ko makakalimutan na minsan kong sinabi sa Papa ko na wag munang ilibing ang Mama ko, hindi pa ako handa, ayoko. Naaalala ko yung mga gabing ipinagpapaalam ko pa kung pwede ko ba siyang yakapin? Yung magiiloveyou ako at sasabihin kong wag muna siyang mamamatay, pag namatay siya sabay kami. Pero hindi dun natapos ang pagiging ina niya sa akin, sa bawat araw na pagpasok ko sa eskwela, walang araw na napapaluha ko ang titser ko at mga taong nakapaligid sa akin dahil hinahanap ko ang mama ko, wala akong magawa, hindi ko gustong umiyak, pero pilit silang kumakawala sa mga mata ko. Sa bawat meeting, ako yung walang aattend na magulang, ako lang din gagawa ng mga takdang aralin ko, sa madaling salita, nabuhay akong sarili ko ang inaasahan ko. Nandyan ang Papa ko, pero ayoko ng makadagdag pa sa depression na pinagdadaanan niya, kaya hangga't kaya ko, kinakaya ko. Ang sakit na wala akong magawa para sa Papa ko, mag-aral, yun lang? Yun lang. Hindi ko na maibabalik ang mga oras na inenjoy ko noon, akala ko kasi hindi yun matatapos, wala palang exemption ang pagsubok sa buhay.

      Yan ang karanasan na marahil hindi niyo kakitaan ng dahilan para sumaya, pero kapulutan nawa ng aral. Paulit ulit na lamang ipinapaalala na pahalagahan ang mga taong sa ati'y nagmamahal, wag na nating hintayin pa na sila'y mawala bago pa natin malaman ang kanilang kahalagahan, ngunit bakit ganoon? WALANG PAGKATUTO!

      Hindi ako makata, sadyang ganito lamang ang aking dila, hinasa sa paggamit ng balarila. AKO? AKO'Y ISANG TAONG MAY PUSONG AKTIBISTA, wala mang tinig para sumigaw sa kalsada, heto ang blog ko makinig ka.