ni Kier Daniel Liwanag
Sadyang kay-rami ng mga kaganapan sa aking buhay mula ng ako’y
magkinder. Sa dami at sa katagalan hindi ko na mabatid sa aking isipan ang mga
pangyayaring iyon.
Bukas na bukas sa aking diwa yung panahon kung saan sabik na sabik ka sa unang pagpasok mo sa eskwelahan.
Manghang-mangha sa makukulay na mga silid-aralan na may makaagaw-pansin ng mga litrato ng letra ng alpabeto sa ibabaw na bahagi ng pisara na may nakaguhit pa na iba’t-ibang bagay na sumisimbulo sa bawat titik nito.
Bilang bata hindi pa rin mawala sa isip ang paglalaro, kaya
iniisip na lang na para ka lamang naglalaro na yung tipong Sabado na e’ gusto
pa ring pumasok. Hindi ako yung tipo ng batang mawalay lang saglit sa magulang
ay iiyak na. Sa totoo nga ay nahihiya pa ako na makita ng mga kamag-aral ko na pinagmamasdan
nila ako mula sa labas ng silid-aralan, sa kabila noo'y hatid-sundo pa ako ngunit sa
unang lingo lamang ng pasukan.
Kinder pa lamang pala ay iba’t-ibang tao na ang makakasalamuha mo may batang magulo, may batang bibo, batang palakaibigan, batang iyakin , batang palaaway at lahat-lahat na. At masasabi kong naranasan ko ring maging kagaya ng mga iyan.
At hindi rin mawawala ang mga kantang tumatak na sa isipan
ng bawat musmos kagaya ng:
“Watermelon, watermelon, papaya, papaya…” saka yung "ako ay
may lobo"… e’ yung "itsy bitsy spider" at
kung anu-ano pa, na baka nga hindi ka pa kinder ay alam na alam mo na. Dito
ka rin nag-umpisang mag-connect the dots, magsulat, gumuhit at bumasa.
Kung ating aalalahanin pa ang mga pangyayari, paniguradong may maiiwang ngiti sa ating mga
labi at mapapaisip kung ano pa nga ba ang mga bagay na nagyari noon. Isa lamang ito sa mga pangyayari noong
kinder pa lang ako. Madami pang iba ngunit ang nag-iisang bagay na ito lang ang
nagpapaalala sakin kung paano maging kinder.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento