Biyernes, Agosto 24, 2012

Buhay Elementarya Ng Wala Si Mama


 Buhay Elementarya Ng Wala Si Mama
ni Era Torres Dullas

       Pumapatak na naman ang luha, hindi naman alam kung saan nagmumula, marahil sagot ninyo'y sa mata na pinagkaloob ng Lumikha, pero para sa aking may kakayahang makadama, mula ito sa puso ng taong nakararanas ng lungkot o saya. Hindi ako makata, sadyang ganito lamang ang aking dila, hinasa sa paggamit ng balarila.

      Kung ako lang, ayoko na sanang balikan, pero may parte sa akin na gusto kong bisitahin ang nakaraan, ngunit ayokong dito'y manirahan. Nasa elementarya ako noon, nag-uumpisang iexplore ang buhay estudyante, buhay ng isang paslit, ang saya, ang daming bata sa paligid ko, madami akong baong pagkain suot ang malinis kong uniform, dagdag pa rito ang papuri ng mga tao sa akin, tuwing maisusulat ko ang pangalan ko, sa tuwing makakakuha ako ng "star". Sobrang wow yung feeling, sarap buhay, bahay iskul lang.

      Sa bahay...Miyerkules ng gabi, nanonood ako ng isang comedy show. Nagyaya ng matulog ang Mama at Papa ko, hindi ako nakinig, sagot ko "susunod na po". Hanggang narinig ko yung ate ko, sumisigaw, "si mama...si mama!!!!", hindi ko naman alintana yung eksenang yun, sa pa-aakalang wala lang yun hanggang nakita ko na lang ang mama ko, buhat buhat ng papa ko, nilagyan ng kutsara sa bibig ng ate ko. Hindi ko na alam ang nangyari eh, basta iniwan ako para isugod sa ospital si mama. Paggising ko, nasa bahay na ako ng lolo at lola ko, pinaliguan at binihisan ako saka pinakawalan sa akin ang mga salitang " ginawa naman namin ang lahat eh, pero wala na talaga", hindi ko naintindihan, uuwi na daw ako, sige, sakay lang ako.
Eto na...pagdating ko ng bahay, bakit nandun ung titser ko?yung nanay ng kaklase kong tinutusok ng payong ang paa ko? yung magjuejueteng? bakit sila umiiyak? bakit? Nakita ko na lang ang isang kabaong, doon mahimbing na natutulog ang mama ko. Kanya kanyang sigaw, halo halo at iba't ibang lebel ng kalungkutan yun. Ang bigat, hindi ko maintindihan ang nangyayari, hanggang naramdaman ko na lang, ang sakit ng dibdib ko, nalulungkot ako, yumakap ako sa Papa ko, dun ko nalaman na kailangan ko pla sila, akala ko kasi role ko lang mag-aral. Sa edad na pitong taong gulang, namulat ako sa buhay na wala ang mama ko. Hindi ko makakalimutan na minsan kong sinabi sa Papa ko na wag munang ilibing ang Mama ko, hindi pa ako handa, ayoko. Naaalala ko yung mga gabing ipinagpapaalam ko pa kung pwede ko ba siyang yakapin? Yung magiiloveyou ako at sasabihin kong wag muna siyang mamamatay, pag namatay siya sabay kami. Pero hindi dun natapos ang pagiging ina niya sa akin, sa bawat araw na pagpasok ko sa eskwela, walang araw na napapaluha ko ang titser ko at mga taong nakapaligid sa akin dahil hinahanap ko ang mama ko, wala akong magawa, hindi ko gustong umiyak, pero pilit silang kumakawala sa mga mata ko. Sa bawat meeting, ako yung walang aattend na magulang, ako lang din gagawa ng mga takdang aralin ko, sa madaling salita, nabuhay akong sarili ko ang inaasahan ko. Nandyan ang Papa ko, pero ayoko ng makadagdag pa sa depression na pinagdadaanan niya, kaya hangga't kaya ko, kinakaya ko. Ang sakit na wala akong magawa para sa Papa ko, mag-aral, yun lang? Yun lang. Hindi ko na maibabalik ang mga oras na inenjoy ko noon, akala ko kasi hindi yun matatapos, wala palang exemption ang pagsubok sa buhay.

      Yan ang karanasan na marahil hindi niyo kakitaan ng dahilan para sumaya, pero kapulutan nawa ng aral. Paulit ulit na lamang ipinapaalala na pahalagahan ang mga taong sa ati'y nagmamahal, wag na nating hintayin pa na sila'y mawala bago pa natin malaman ang kanilang kahalagahan, ngunit bakit ganoon? WALANG PAGKATUTO!

      Hindi ako makata, sadyang ganito lamang ang aking dila, hinasa sa paggamit ng balarila. AKO? AKO'Y ISANG TAONG MAY PUSONG AKTIBISTA, wala mang tinig para sumigaw sa kalsada, heto ang blog ko makinig ka.

3 komento: