Biyernes, Agosto 31, 2012

"First honor, Remo Franco Manikan!"


BIZ: RECOGNITION DAY

"First honor, Remo Franco Manikan!"

BIZ: NAGSASALAYSAY SA SARILI HABANG MAGANDA ANG TINDIG AT NAKATINGIN SA SALAMIN.

Ako si Remo Franco Manikan isang consistent honor student noong elementarya at anak ni Mrs. Ubalda Franco Manikan na isang guro sa pampublikong paaralang aking pinapasukan.

<IPAGDIDIKIT ANG KAMAY NA PARANG NAGDADASAL>

Hindi ko naman intensyon na ipasikat kung sino ako. Kung ano man ang nakasulat sa taas, ayan ang buhay ko noong nasa elementarya pa ako.

<ILALAGAY ANG KAMAY SA LOOB NG BULSA AT IPAPALING SA KALIWA ANG ULO>

Oo, anak ako ng titser. Masaya. Malungkot. Sa madaling salita, may mga positibo at negatibong bagay ang nangyari sa akin noon.

<HAHARAP ULIT SA SALAMIN>

Bilang anak ng titser, sikat ka sa buong paaralan. Ikaw ang utusan ng mga titser mo dahil amiga nila ang mommy mo. Ikaw din ang madalas maging parte ng class officers dahil nga sa isang titser ang mommy mo.

<MAGBUBUNTONG HININGA AT NGINGITI>

Pero tulad nga ng sabi ko, hindi lahat positibo ang nangyari.

<ILALABAS ANG KAMAY AT IPAGPAPATONG ITO SABAY TITINGIN SA KANAN AT BABASAIN ANG LABI>

Ilan sa mga kaklase ko noon, tingin sa akin, ay mayabang at sipsip. Tingin din nila sa akin, kaya ako nagiging honor student, ay dahil sa titser ang mommy ko. Ganun din ang tingin ng ilan sa mga magulang ng kaklase ko.

<HAHARAP ULIT SA SALAMIN AT SAKA HAHAGIKGIK AT NGINGISI HABANG NAGSASALITA>

Bakit kaya ganon? Pag anak ka ng titser, ganun agad tingin sayo ng tao? Hindi lang ng mga kaklase mo o yung mga magulang ng kaklase mo, kundi ang buong lipunan, ganun ang tingin sa anak ng mga titser. Hindi ba pwedeng kaya palaging honor student, kaya palaging nahahalal bilang class officer, kaya palaging inuutusan, kasi may konkretong dahilan. Yun ay tunay na mapagkakatiwalaan, responsable, marunong, at may ibubuga ang mga anak ng titser.

<MAGSESERYOSO ANG MUKHA AT SAKA IBABALIK SA LOOB NG BULSA ANG NGA KAMAY>

Sana isang araw, mabago na ang tingin ng lipunan sa mga anak bg titser. Hindi naman ganon ang dapat isipin sa amin, lahat ng tao ay magaling, anak man ng titser o hindi.
<NGINGITI AT MAGBOBOW AT SAKA PAPALAKPAKAN ANG SARILI SA MAGALING NA PAGEENSAYO NG TALUMPATI>


#RemoFrancoManikan

Sabado, Agosto 25, 2012

Eh kasi Kinder!

Eh Kasi Kinder!
ni Kier Daniel Liwanag


Sadyang kay-rami ng mga kaganapan sa aking buhay mula ng ako’y magkinder. Sa dami at sa katagalan hindi ko na mabatid sa aking isipan ang mga pangyayaring iyon.

Bukas na bukas sa aking diwa yung panahon kung saan sabik na sabik ka sa unang pagpasok mo sa eskwelahan.

Manghang-mangha sa makukulay na mga silid-aralan na may makaagaw-pansin ng mga litrato ng letra ng alpabeto sa ibabaw na bahagi ng pisara na may nakaguhit pa na iba’t-ibang bagay na sumisimbulo sa bawat titik nito.
Bilang bata hindi pa rin mawala sa isip ang paglalaro, kaya iniisip na lang na para ka lamang naglalaro na yung tipong Sabado na e’ gusto pa ring pumasok. Hindi ako yung tipo ng batang mawalay lang saglit sa magulang ay iiyak na. Sa totoo nga ay nahihiya pa ako na makita ng mga kamag-aral ko na pinagmamasdan nila ako mula sa labas ng silid-aralan, sa kabila noo'y hatid-sundo pa ako ngunit sa unang lingo lamang ng pasukan.

Kinder pa lamang pala ay iba’t-ibang tao na ang makakasalamuha mo may batang magulo, may batang bibo, batang palakaibigan, batang iyakin , batang  palaaway at lahat-lahat na. At masasabi kong naranasan ko ring maging kagaya ng mga iyan.
At hindi rin mawawala ang mga kantang tumatak na sa isipan ng bawat musmos kagaya ng:
“Watermelon, watermelon, papaya, papaya…” saka yung "ako ay may lobo"… e’ yung "itsy bitsy spider" at kung anu-ano pa, na baka nga hindi ka pa kinder ay alam na alam mo na. Dito ka rin nag-umpisang mag-connect the dots, magsulat, gumuhit  at  bumasa.
Kung ating aalalahanin pa ang mga pangyayari, paniguradong may maiiwang ngiti sa ating mga labi at mapapaisip kung ano pa nga ba ang mga bagay na nagyari noon. Isa lamang ito sa mga pangyayari noong kinder pa lang ako. Madami pang iba ngunit ang nag-iisang bagay na ito lang ang nagpapaalala sakin kung paano maging kinder.












Kinder101

Kinder101
 ni Remo Franco Manikan
 
Nung bata ko, puro paglalaro at pagkain lang nasa isip ko, kaso dumating ung araw na kailangan ko ng pumasok sa eskwelahan, kailangan ko ng pumasok sa Kinder Level.

Hindi ko na maalala ang buong detalye ng naging buhay ko sa pagiging Kinder Student, pero may ilang piraso pa naman ng ala-ala ang nasa isip ko na hinding hindi ko malimutan.

Ang pinaka tumatak sa aking ala-ala ay yung pag kakaroon ko ng school service na traysikel kahit sobrang lapit lang ng eskwelahan namin mula sa bahay. Alam mo ung feeling na kaya mo namang lakarin yung daan mula sa bahay niyo papunta sa pinakamalapit na computer shop? Pero sumakay ka pa ng traysikel kasi binabayaran yun at service mo un.

Nung namulat ako sa reyalidad ng buhay, tinanong ko ang Mommy ko kung bakit ba ako may school service nung Kinder ako. “Delikado kasi pag nilakad mo.”, “May trabaho ako, hindi kita mahahatid.”, “Hindi naman natin mapapakiusapan si (pangalan ng kapitbahay) na ihatid ka doon.”, “May trabaho sila Ate (pangalan ng katulong) kaya hindi ka mahahatid.”. Ayan ang karaniwang sagot niya sa akin nung tanungin ko siya. Gusto ko sanang baguhin ang nakaraan dahil alam kong may mali. Kahit ang lapit may school service pa rin? Masyadong magastos. Dagdag sa polusyon sa Pilipinas. May pangambang baka maaksidente ako. At higit sa lahat, naiinggit ako non sa mga batang nakikita kong hinahatid ng mga mommy/mama/nanay/inay nila papasok sa school.

Ako lang ata yung bata doon na walang mommy na kasama pag pumapasok kaya siguro hindi ko naaalalang umiiyak ako dati pagpumapasok ako ng eskwelahan . Siguro alam ko na noon na walang magpapatahang mommy sa akin kaya hindi ako umiiyak. *Haka-haka ko lang naman, siguro umiiyak din ako nun hindi ko lang maalala*

Kaya sa mga susunod na henerasyon, sa mga susunod na magiging Kindergarten Student, sana nababasa niyo to, wag kayong pumayag na ibang tao ang maghahatid sa inyo sa eskwelahan. Iba ang pakiramdam kapag magulang mo ang naghahatid at nagsusundo sa’yo. Ang sarap sa feeling. Maliit na bonding moment niyo un na hindi mo dapat mamiss. 

Ako at ang Mommy ko. =)



KINDER, KINDER LITTLE STAR!

KINDER, KINDER LITTLE STAR!
 ni Sherwin S. Tinampay

Tandang-tanda ko pa ang unang pagkakataon na dinala ako ng aking Mama sa papasukan kong eskwelahan. Ponciano Bernardo Elementary School, isang pampublikong paaralan sa Cubao na malapit sa aming tirahan noon. Noong una, manghang-mangha ako sa mga nakikita ko. Syempre, simpleng paslit lang ako na wala pang matinong pag-iisip sa mga nangyayari sa mga bagay bagay ay mabilis na natutuwa sa mga ganoong pangyayari. Ang sabi pa sa akin noon ni Mama, “Weng (tawag saken ni Mama magpahanggang ngayon. Palayaw ikanga nila), papasok ka na sa school. Magkikinder ka na!” Tuwang-tuwa na ipinaalam sa akin ni Mama. Ako naman, hindi ko alam kung ano ang kinder. Dahil sa nakikita ko si Mama na malaki ang ngiti sa kanyang mga labi ay agad na tumugon sa kanyang sinabi.



Ano nga ba ang KINDER? Karamihan sa mga nanay/inay/mama/mommy/mamita ngayon pagsapit ng ika-apat o ika-limang taon ng kanilang mga anak ay ipinapasok na sa antas na ito. Sasabihin pa kay kumare, "Mars! Malapit na mag-June. Saan mo papapasukin ng kinder si Junjun?"

Ang KINDER ay ang pinaikling salita para sa Kindergarten. Ito ay isang salitang German na nangangahulugang “garden of children”, kumbaga, bakuran sa pagkatuto ng isang bata. Sa antas na ito, tinuturuan na ang mga bata na unti-unting sanayin ang kanilang mga sarili na wala sa piling ng kanilang magulang. Nagbibigay-daan din ito na makasalamuha nila ang mga iba’t-ibang bata upang makipagkaibigan at makipaglaro.

Tuwang-tuwa sa akin noon si Mama dahil nung unang araw ko sa eskwela ni hindi man lang daw ako umiyak nang paalisin na sila ni Maam Elsie (teacher ko). Halos lahat ng mga classmate ko nun nag-iiyakan. Pakiramdam ko nga nun parang babaha na sa classroom dahil sa walang humpay nilang iyakan.

Simula nang araw na iyon, nagpatuloy na ang aking pagpasok sa eskwela. Pagsulat, pagkulay, sabayang pagbabasa at ang pinakamasaya sa lahat ay ang pagkanta namin sa nakakaaliw na indayog ni Maam Elsie sa mga kanta tulad ng Ang Maliliit na Gagamba, Ang Jeep ni Mang Juan, B.U.T.T.E.R.F.L.Y. at marami pang ibang nakakaaliw na kantang pambata at iba't-ibang mga karanasan na isa sa mga naging instrumento na humubog sa aking pagkatao.

Ako kasama si Maam Elsie noong 
ako'y nagtapos sa Kindergarten

"Ang pagpapapasok sa kinder ng mga bata ay hindi ganoon kasimple sapagkat dito na pumapasok ang pagkakataon na masusulyapan na nila ang malawak na mundo sa labas ng kanilang tahanan." 

Biyernes, Agosto 24, 2012

ABAKADAlalala. ♥

ABAKADAlalala. ♥
ni Ana Jireh Bañares

Unang sabak sa eskwela, iba't-ibang bata ang  makakasama.
Si mama at papa, hinatid ka pa ng biskleta.
Ilang iskinita lang naman ang layo mula sa inyong bahay.
Kinakabahan na at mag-uumpisa na sa hakbang ng tagumpay.

Eksena sa paaralang ngayon pa lang masisilayan,
Magulang na tuliro, kasabay ng kanilang mga anak na naghihiyawan
Si titser na masayahin kasama ang kanyang aide na matulungin.
Pinapila na ang mga chikiting, sisimulan na ang dapat gawin.

ABAKADA ay ipinakilala
Nakakatuwa dahil masaya sila.
Sinabayan ni titser ng kanta' sayaw
At lahat ay sama-samang umindak at humataw

ABAKADAlalalalala.
Sinamahan ng kanta para maingganyo sila.
Sa magandang tono na inilapat,
Mga bata'y na aliw at walang makakatapat.

Sa ilang oras ay may kantahan, sayawan at paglalaro
Pag-aaral sa una'y, ginagawan ng pakulo.
Kaya't si titser masaya at di aburido, 
Dahil sa kanyang maganda stratehiya - chikiting ay natuto.


#enebenene™


ANG UNANG TAPAK


ANG UNANG TAPAK

ni Von Edrian Villanueva


Takot. Pangamba. "Inay di ko kaya!"
 Malamang ating winika, pabitin sa damdamin.


Unang tapak sa paaralan, wari'y di kagustuhan


Masaklap na katotohanang, malalayo sa magulang




Di alam kung san lilingon, kapag ang pandama'y di humihinahon


Hampas ng damdamin sa kalooban, hindi masabi ng harapan


Tingin sa kanan, sa kaliwa, hala di ko sila kilala

Si Ina na nakasilip sa bintana, sya lang ata ang nais kong makita



Unti-unting papatak ang tubig sa matang lungkot tgib


Kapag sinabi ng guro, "mga magulang kayo'y humayo



Unang patak ng ulan, sa pagsampa sa paaralan

Takot ang nadarama, daglian din namang liligaya








Buhay Elementarya Ng Wala Si Mama


 Buhay Elementarya Ng Wala Si Mama
ni Era Torres Dullas

       Pumapatak na naman ang luha, hindi naman alam kung saan nagmumula, marahil sagot ninyo'y sa mata na pinagkaloob ng Lumikha, pero para sa aking may kakayahang makadama, mula ito sa puso ng taong nakararanas ng lungkot o saya. Hindi ako makata, sadyang ganito lamang ang aking dila, hinasa sa paggamit ng balarila.

      Kung ako lang, ayoko na sanang balikan, pero may parte sa akin na gusto kong bisitahin ang nakaraan, ngunit ayokong dito'y manirahan. Nasa elementarya ako noon, nag-uumpisang iexplore ang buhay estudyante, buhay ng isang paslit, ang saya, ang daming bata sa paligid ko, madami akong baong pagkain suot ang malinis kong uniform, dagdag pa rito ang papuri ng mga tao sa akin, tuwing maisusulat ko ang pangalan ko, sa tuwing makakakuha ako ng "star". Sobrang wow yung feeling, sarap buhay, bahay iskul lang.

      Sa bahay...Miyerkules ng gabi, nanonood ako ng isang comedy show. Nagyaya ng matulog ang Mama at Papa ko, hindi ako nakinig, sagot ko "susunod na po". Hanggang narinig ko yung ate ko, sumisigaw, "si mama...si mama!!!!", hindi ko naman alintana yung eksenang yun, sa pa-aakalang wala lang yun hanggang nakita ko na lang ang mama ko, buhat buhat ng papa ko, nilagyan ng kutsara sa bibig ng ate ko. Hindi ko na alam ang nangyari eh, basta iniwan ako para isugod sa ospital si mama. Paggising ko, nasa bahay na ako ng lolo at lola ko, pinaliguan at binihisan ako saka pinakawalan sa akin ang mga salitang " ginawa naman namin ang lahat eh, pero wala na talaga", hindi ko naintindihan, uuwi na daw ako, sige, sakay lang ako.
Eto na...pagdating ko ng bahay, bakit nandun ung titser ko?yung nanay ng kaklase kong tinutusok ng payong ang paa ko? yung magjuejueteng? bakit sila umiiyak? bakit? Nakita ko na lang ang isang kabaong, doon mahimbing na natutulog ang mama ko. Kanya kanyang sigaw, halo halo at iba't ibang lebel ng kalungkutan yun. Ang bigat, hindi ko maintindihan ang nangyayari, hanggang naramdaman ko na lang, ang sakit ng dibdib ko, nalulungkot ako, yumakap ako sa Papa ko, dun ko nalaman na kailangan ko pla sila, akala ko kasi role ko lang mag-aral. Sa edad na pitong taong gulang, namulat ako sa buhay na wala ang mama ko. Hindi ko makakalimutan na minsan kong sinabi sa Papa ko na wag munang ilibing ang Mama ko, hindi pa ako handa, ayoko. Naaalala ko yung mga gabing ipinagpapaalam ko pa kung pwede ko ba siyang yakapin? Yung magiiloveyou ako at sasabihin kong wag muna siyang mamamatay, pag namatay siya sabay kami. Pero hindi dun natapos ang pagiging ina niya sa akin, sa bawat araw na pagpasok ko sa eskwela, walang araw na napapaluha ko ang titser ko at mga taong nakapaligid sa akin dahil hinahanap ko ang mama ko, wala akong magawa, hindi ko gustong umiyak, pero pilit silang kumakawala sa mga mata ko. Sa bawat meeting, ako yung walang aattend na magulang, ako lang din gagawa ng mga takdang aralin ko, sa madaling salita, nabuhay akong sarili ko ang inaasahan ko. Nandyan ang Papa ko, pero ayoko ng makadagdag pa sa depression na pinagdadaanan niya, kaya hangga't kaya ko, kinakaya ko. Ang sakit na wala akong magawa para sa Papa ko, mag-aral, yun lang? Yun lang. Hindi ko na maibabalik ang mga oras na inenjoy ko noon, akala ko kasi hindi yun matatapos, wala palang exemption ang pagsubok sa buhay.

      Yan ang karanasan na marahil hindi niyo kakitaan ng dahilan para sumaya, pero kapulutan nawa ng aral. Paulit ulit na lamang ipinapaalala na pahalagahan ang mga taong sa ati'y nagmamahal, wag na nating hintayin pa na sila'y mawala bago pa natin malaman ang kanilang kahalagahan, ngunit bakit ganoon? WALANG PAGKATUTO!

      Hindi ako makata, sadyang ganito lamang ang aking dila, hinasa sa paggamit ng balarila. AKO? AKO'Y ISANG TAONG MAY PUSONG AKTIBISTA, wala mang tinig para sumigaw sa kalsada, heto ang blog ko makinig ka.